It’s A Mens World by Bebang Siy

Mahapdi, Madugo, ngunit Masaya:
Mga Alaala ng Kamusmusan

( Suring Aklat ng It’s A Mens World ni Bebang Siy )

Naranasan mo bang maglaro ng mataya-taya, patintero, langit at lupa, at Chinese garter sa kalsada? E, mangupit ng pera o pagkain? Nasubukan mo na bang mamili sa Divisoria kasama si Nanay at uminom ng inilalakong samalamig doon? Tuli ka na ba? O, kung buhat sa angkan ni Eba, nagkaregla ka na ba? Kamusta naman ang experience?

Bakit ba ganoon ang kabataan, masakit, mahapdi, madugo kung minsan, kahit ayaw mo, may sabit pang kahihiyan? Dyahe, di ba?

Iba’t ibang karanasan, sari-saring pinagdaanan, ‘yan ang koleksyon ng mga sanaysay sa It’s A Mens World ni Bebang Siy tungkol sa kanyang paglaki’t pagkabata.

Bago pa man tumaas ang kilay o isiping naduduling ang paningin ng ilan, walang typographical o grammatical error ang pamagat. Hango at laro ang “mens” — na kilalang dagli at balbal — mula sa unang pantig ng salitang mens-truation. Kung sasagi sa isipan, malikot ang imahinasyon sa likod ng titulo, gaya ng isang maharot na ngiting bigla na lang bubungad sa iyong labi.

Buhat ang titulo ng aklat sa una sa dalawampung sanaysay na napakaloob dito na tumatalakay sa (ano pa nga ba?) kung papaano unang nagka-mens ang batang Bebang o Bebs, na kanyang palayaw, at ang kanyang nakakatawa at masalimuot na pagtungtong sa pinto ng pagdadalaga at kamalayan.

Ngunit di lang umiikot o tinutuldukan ng “period” o buwanang dalaw ang mga personal essays ng may-akda. Kinatatampukan din ito ng mga eksena ng drama ng kanilang pamilya tulad ng kung papaanong kinidanap silang magkakapatid ng kanilang ama, ng kanyang mga masisipag at subsob sa trabahong tiyuhin, ng karumaldumal na pagkamatay daw ng “isang outstanding na gago”, mga hang ups ng batang lumaking pinagpapasa-pasahan ng isang nasirang tahanan, kasama ng ilang nakakakilig na mga payo na dapat gawin sa first date, at ang kaligayahan sa pagkakatagpo’t muli pagkikita ng magkaibigan.

Bebang Siy

May puntong magaan, matapang, kapanapanabik, nakahihiwa, nakakainis ang mga pangyayaring inilalahad ni Bebang, ngunit garantiya kong wala kang pahinang hindi hahagikgikan, tatawanan. Waring mga lumang larawang magpapaalala ng pinagdaang kabataan ang bawat sanaysay;  mahirap na hindi maiugnay ng mambabasa ang sarili sa mga karanasan, damdamin at lugar na  nilakbayan ng manunulat, pati sa mga pagkaing sa isang bahagi ng  buhay ay ninamnam, inumit, kinaingitan din ng minsan o labis na nagbibigay gunita, masaya o mapait man, sa isang mahal sa buhay.

Animong ragasa ng dugo ng unang regla ang mga isinalaysay sa It’s A Mens World, di ko mawari ang dami ng dugong inilabas din ng pluma ni Bebang Siy upang mailahad lahat ng ito nang walang takot at buong tapang kahit pa magmukhang katawa-tawa (at lukaret) sa mata ng ilan,  sa kung papaanong paraan natin tinutuya ang babae na di pansin ang namumuong mantsa sa likod ng kanyang suot na palda at sa mapulang ilog na dumadaloy sa pagitan ng kanyang mga hita.

Ngunit sa pagkakataong ito alam niyang ang mga halakhak ay hangin, walang kabuluhan. Hinubog  ng panahon, karanasan at kamalayan na hindi siya alipin ng nakaraan at kung nalagpasan niya ang unos ng nakalipas, handa ang loob niyang harapin ang iba pang darating.

Tuli o supot, regular o irreg man ang regla (sa iba nga tumigil na), ang mundong ito di lang pang men’s o pangkababaihan, di nahahati ng mga ritwal patungong kamuwangan. Dahil hindi nagkakaiba ang pintong tatahakin ng bawat isa sa tunay na kaganapan.

[P.S. Mapalad kong nakasama si Bebang Siy, kasama ang mga kasapi ng Pinoy Reads Pinoy Books, sa isang walking tour at books discussion ukol sa kanyang aklat. Narito ang aking post sa mga kaganapan ng araw na iyon sa First Date: It’s a Mens World Walking Tour and Book Discussion.]

 

_________________________
Detalye ng Aklat:
Ika-53 sa taong, 2012
Nilathala ng Anvil Publishing, Inc.
(Paperback, Unang limbag, 2011)
173 na pahina
Sinimulan nang: October 17, 2012
Natapos nang: October 20, 2012
Ang Aking Rating:

4 thoughts on “It’s A Mens World by Bebang Siy

  1. Pingback: Pinoy Reads Pinoy Books | Dark Chest of Wonders

  2. Pingback: First Date: It’s a Mens World Walking Tour and Book Discussion | Dark Chest of Wonders

  3. Pingback: Pinoy Reads Pinoy Books Christmas Party 2015 and the Surprise Book Discussion | Dark Chest of Wonders

  4. Pingback: It’s Raining Mens ni Bebang Siy | Dark Chest of Wonders

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s