Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon ni Edgar Calabia Samar

Janus Silang - book cover

Ang Astiging Panimula ng Pakikipagsapalaran ni Janus Sílang

(Book Review ng Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon ni Edgar Calabia Samar )

Inaabangan ng lahat ng kabataan ang tournament ng TALA Online, isang RPG computer game, sa bayan ng Balanga. Isa na rito si Janus Sílang. Ngayon palang, inaasahan na niya ang magandang maidudulot nito lalo na kung makasasali siya’t mananalo sa engrandeng tournament na gaganapin sa Maynila.

Ngunit isang bagay ang hindi inaasahan kailan man ni Janus: ang kahindik-hindik na pagkamatay ng mga kasama niyang manlalaro ng TALA online sa gabing iyon maliban sa kaniya. Mas malalá pa rito’y naulit pa ang nasabing insidente sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Higit na hindi inaakala ni Janus ang pagtawag sa kanya ng isang lalaking nagpapakilalang Joey na gaya rin niyang nakaligtas umano mula sa paglalaro ng TALA Online at ang malaking kinalaman sa kaniyang buhay ng alamat ng tiyanak ng Tábon.

Sa simulang pagbukas ng pinakabagong nobela ni Edgar Calabia Samar ay bigla ka nitong hihigupin sa mundo nitong punó ng hiwaga, dilim, at misteryo. Hindi ka nito pakakawalan, at sa bawat pagpihit ng mga pahina ay waring tinubuan ang mga ito ng matatalim na kuko dahil hindi ka makabibitaw sa palalim nang palalim na kababalaghan, sa giit ng mga tanong sa iyong isipan, sa makapigil-hiningang mga tagpo, at sa mga nakagugulat na rebelasyon patungo sa kasukdulan ng kuwento. Walang ligtas, sasairin nito ang iyong dugo sa tensyon at katuwaan, pati na ang diwa ng iyong himbing sa pagtulog hindi patatahimikin. Ganoon siya kaastig!

Si Janus Sílang, isa sa mga kawili-wiling katauhan na isinilang ng panulat ni Samar. Nagustuhan ko siya dahil di siya iba at kaniyang sinasalamin ang ugali’t kilos ng karaniwang kabataan ngayon: adik sa online games at internet, nagmumura, at nakagagawa ng mga katarantaduha’t kasalanan sa likod ng kaniyang mga magulang.

Sa kabila ng lahat ng ito, alam niyang siya’y may pagkukulang, nagkakamali, nalilihis mula sa mga bagay na inaasahan na dapat niyang gawin at gampanan, at sinusubukang gumawa ng mabuti sa abot ng kaniyang makakaya, pansarili man ito o para sa iba.

Higit sa lahat, kahanga-hanga ang muling pagpapakilala ng mga nilalang ng kadiliman mula sa mababang mitolohiya at alamat ng bansa na binigyan ni Samar ng bagong bihis. Kung titingnan, isa lang ito sa serye ng nauusong trend ng mga akdang Pinoy na muling isinasabuhay ang mga kagila-gilalas na mga tauhan at halimaw mula sa ating mga sinaunang kuwentong-bayan na tinatangkang minahin ang mayaman nating kultura upang muling ipakilala ito sa kasalukuyang henerasyon. Malayo na ito sa nakasanayang mga kuwentong katatakutan para sa mga makukulit na paslit, sa mga kuwento ni Lola Basyang at maging sa tradisyunal na komiks.

Edgar Clabia Samar

Edgar Calabia Samar

Ipinakita ni Samar ang mga nilalang ng dilim sa paraang madaling mauunawaan ng perspektiba ng mga kabataan—at ito nga ay sa anyo ng TALA Online, sa pamamagitan ng isang RPG computer game na patok sa kanila sa ngayon. Kung pagbabasehan palang ang paliwanag at deskripsyon ng may-akda ng TALA Online, ang mundong iniinugan nito, ang mga character at kalaban sa bawat levels ng larong ito, at kung paano ito nilalaro, hindi masisisi kung bakit ito kinahuhumalingan nila Janus at ng kaniyang mga kaibigan—kahit ako paniguradong maaadik dito!

Kung hindi mo pa nasusubukang magbasa ng kahit alin man sa mga nailathala nang mga akda ni Edgar Calabia Samar, magandang pagkakataon na simulan ito sa Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon. Sa ibang nakabasa na ng kaniyang mga akda, ginagarantiya kong isa itong aklat na di ninyo dapat palagpasin.

Pinatutunayan lang ng akdang ito ang mayamang tradisyon ng ating panitikan; na maaari itong gamitin para sa mga makabagong kuwentong naangkop sa ating modernong panahon at bigyan ito ng makabagong panlasa, ilahad ito sa nakakapukaw, naiibang paraan, na tiyak na kagigiliwan ng mga mambabasa. Hindi na natin kailangang manghiram o manggaya ng mga banyagang kaisipan o konsepto.

Nakalulugod isipin na mayroon na tayong de-kalidad na akdang Pinoy na makakayang makasabay sa karamihan ng mga banyagang babasahing young adult sa mga bookstore. May pambato na rin tayo sa Harry Potter at Percy Jackson series. Hah! Ang lakas lang maka-proud!

(Blogger’s note: Salamat kay Biena ng Library Mistress at, higit sa lahat, sa Adarna House sa pagkakaloob ng review copy ng nasabing aklat.)

 

_________________________
Detalye ng Aklat:
Ika-36 sa taong, 2014
Nilathala ng  Adarna House
(Trade Paperback, Unang Edisyon, 2014)
179 pahina
Binasa noong: Abril 26, 2014
Ang Aking Rating:
Four Skulls Rating

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s