In Sisterhood – Lea at Lualhati ni Lualhati Bautista

In Sisterhood - Lea at Lualhati ni Lualhati Bautista

Kapatiran ng Paglikha, Panulat, at Kababaihan

(Book Review ng In Sisterhood – Lea at Lualhati ni Lualhati Bautista)

Buong akala ko lahat ng sasabihin ni Lualhati Bautista tungkol sa ating lipunan at sa kalagayan ng mga kababaihan ay tangi na lamang matutunghayan sa kanyang tatlong premyadong mga obra na ‘Gapô, Dekada ‘70, at Bata, Bata… Paano ka Ginawa?. Marahil, hindi naman ako masisis sa pagtataya kong ito dahil na rin sa manaka-manaka kung maglabas ng bagong aklat si Bautista. Oo, may bisa at kapangyarihan pa rin ang kanyang panulat lalo na nang mabasa ko ang Desparesidos, ngunit waring may hinahanap pa akong iba dahil umiinog pa rin ang nasabing nobela sa salimuot at bagsik ng buhay ng mga taong nasa Kilusan na lumaban sa diktadurya ng rehimeng Marcos lalo na sa kasagsagan ng Batas Militar.

Ang paratang kong ito ay mabibigyang tugon nang ilabas ni Bautista ang In Sisterhood – Lea at Lualhati noong 2013. Self-published ang nasabing aklat, at ginawa ko ang lahat ng aking makakaya makakuha lang kopya, na tipong nagtungo pa ko sa opisina ng isang NGO na naunang nagbebenta nito. Sulit naman ang pagod, dahil sa unang dapo pa lang ng mata ko sa unang pahina ng libro nasabi kong, “Ito na. Ito na ang akda ni Lualhati na hinahanap-hanap ko!”

Kung ihahalintulad sa mga nauna niyang aklat, iba ang atake ng In Sisterhood. Simula pa lang hahamunin na nito ang iyong pagtingin sa kung paano nga ba ang nararapat na paraan para isulat ng isang may-akda ang kanyang memoir. Mantakin mo kasi, imbes na diretsong ang manunulat ang maglalahad sa kanyang pinagdaanang buhay, dito’y ang tauhan ng may-akda—na si Lea Bustamante mula sa Bata, Bata—ang nagpupumilit na isulat ang talambuhay ng lumikha sa kanya. Sa unang bahagi pa lang, mahirap nang hindi mapaelib kay Bautista dahil sa buong tanan ng karanasan ko sa pagbabasa ng mga aklat mula sa atin bansa at maging sa mga dayuhang bansa, ngayon ko lang namalas ang ganitong estilo. Pihado, may hagod ng post-modernism ang akdang ito!

Hindi lang dito nagtatapos ang eksperimento sa pagkukuwento ni Bautista. Biro mo, may mga tauhang kumakawala mula sa libro kung saan sila nasusulat upang tahakin ang landas o hanapin ang takbo ng kuwento na nais nilang mangyari para sa kanilang sarili labas sa naunang intensyon ng kani-kanilang mga may-akda. Kumbaga, isang roller coaster ride ang pagbabasa ng pinkahuling nobela ni Bautista—hindi inaasahan ang mga kaganapan.

Sa pagpapatuloy ng pagbabasa ng In Sisterhood, mistulang magiging itong smorgasbord ng mga kaisipan na nais ipabatid ng manunulat sa kanyang mambabasa. Sa una’y isa itong memoir sa anyo ng isang nobela, o nobela sa anyo ng isang memoir, hanggang maging manifesto ito ng may-akda ukol sa paglikha, pagsulat, at sa malalim na pagtanaw ukol sa kung ano nga ba ang kahulugan at kahalagan ng pagiging isang babae sa kasalukuyang panahon. Hindi lang ito, may updates din si Lualhati ukol sa naging buhay ng ilan sa mga tauhan sa kanyang mga naunang nobela. Lubos ko mang isipin, hindi ko maiwasang mamangha sa bahaging ito ng nobela-memoir lalo na sa nais ipahiwatig ni Lualhati: na hindi nagtatapos ang buhay ng isang karakter matapos isara ang huling pahina.

Sa In Sisterhood tunay na ibang Lualhati Bautista ang matutunghayan ng mambabasa: mapaglaro, prangka, may pagkaluka-luka. Ngunit sa kabila ng eksperimentasyon, may mga aspektong nanatili pa rin: ang matapang na panulat, ang paninidigan sa prinsipyo ng kanyang sining, ang walang pag-aalinlangang pagmalas sa katotohanan. Kung inisip mong nananahimik lang si Lualhati sa mga nagdaang taon lalo na sa mga isyung may kinalaman sa kababaihan at sa iba’t ibang usapin sa lipunan, pasisinungalingan ka ng akdang ito. May ibubuga pa rin si Lualhati Bautista!

 

_________________________
Detayle ng Aklat:
Nilathala ng Dekada Publishing
(Mass Market Paperback, Hulyo 2015 Binagong Edisyon)
246 Pahina
Unang Binasa Noong: Hulyo 8-9, 2014
Pangalawang Binasa Noong: Nobyembre 22-26, 2015
Rating:
Five Skulls Rating

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s