It’s Raining Mens ni Bebang Siy

It's Raining Mens ni Bebang Siy

Tikatik ng mga Kalalakihan, Buhos ng mga Karanasan

(Book Review ng It’s Raining Mens ni Bebang Siy)

Kung ang It’s a Mens World ay pagtunghay sa kabataan ni Bebang Siy, ang It’s Raining Mens ay sulyap pa rin sa buhay ng may-akda nang siya’y maging isang dalagang-ina, sa pawarde-wardeng daang tinahak ng kanyang buhay pag-ibig, at ilang isyung kinaharap at patuloy na hinaharap bilang babae sa kasalukuyang lipunan. Tampok din sa aklat ang ilan sa kanyang mga katha gaya ng maiikling kwento, radio drama, at iba pa.

Sa lahat, ang mga personal sanaysay pa rin niya ang masasabing centerpiece ng librong ito. Tulad sa naunang libro, simple mang masasabi ang estilo ng panulat ni Bebang, hindi naman biro ang emosyong inilalangkap niya sa mga ito at hindi rin mawawala ang kanyang signature humor. Sino nga bang hindi makakarelate sa hirap ng paghahanap ng sapin sa paa na, bukod pa sa magbibigay ng ganda o pogi points at magiging perfect match sa kung anong mang isusuot na damit, ay tunay ring maasahan sa tibay nito sa araw-araw na paglalakad paroo’t parito? Sinong mag-aakala na ang isang simpleng window shopping ng hikaw ay hahantong sa paglalagom sa iba’t ibang desisyon sa buhay? Na sa gitna ng karimlan ay may nag-aabang palang na karikitan?

Kung may masasabi akong paborito sa mga nakapaloob na autobiographical essays sa libro ito ay ang Pa Pa Pa at A Love Story. Iyong unang sanaysay dahil, gaya ni Bebang, nakalakihan ko rin ang pakikinig sa musika ng Eraserheads sa radyo noong bata pa ako. Dama ko ang throwback moment niya sa essay na ito dahil danas ko ang kapangyarihan ng musika na dalhin ka nito sa isang sandali o tagpo sa nakaraan; kumbaga, parang a ticket ride back in time. Madadala ka talaga sa sarap ng pagbabalik-tanaw at hindi mo maiwasang isipin na buti pa noong kay payak at hindi pa komplikado ang mga bagay-bagay.

Para naman sa ikalawang paboritong sanaysay dahil personal kong nasaksihan ito. Isa kasi ako sa mga mapapalad na taong napakinggan ang unang bersiyon ng A Love Story nang iprinisenta ito ni Bebang sa kanyang talk na Author as Reader Session para sa Second Filipino Reader Conference na ginanap noon sa Filipinas Heritag Library sa lungsod ng Makati noong 2012. Ang pagkakataon na iyon ang masasabing kong simula ng aking Bebang journey dahil ang kwela-kwela ng talk niya kaya nagkaroon ako ng interes na basahin ang kanyang unang libro kasama na rin na nanalo ito sa ginanap na awarding ng Reader Con sa araw ring iyon. Noon pa man hilig ko na talagang malaman kung paano nga ba nawili sa pagbabasa ang mga manunulat at maging ang mga tao sa paligid, mga kaibigan na tunay na mahilig magbasa. Pero ibang level itong A Love Story, parang may magic, dahil kalaunan ay hindi naman pala one-sided lang ang pagmamahal na inilaan ng manunulat para sa titik. Titik din ang magbibigay daan para mahanap ni Bebang ang landas tungo sa tunay na pag-ibig, ang siyang magtuturo sa kanyang destinasyon somewhere down the road para matagpuan si The One. Hindi si Nero ng The Matrix, wag ka nga! Syempre, ang kanyang One True Love. Sana someday tulungan din ako ng mga titik. Miss Bebs kasi, ilakad mo na ko kay crushie. Hahaha!

Syempre pa, hindi rin pahuhuli ang ilan sa mga akdang isinama sa It’s Raining Mens. Maaaring sa unang malas ay masasabing out of place ito sa akdang kinalilipunan ng mga personal na sanaysay, ngunit kung babasahing mabuti ang mga isinamang mga katha ay mababanaag ang tematikong ugnayan nito sa mga sanaysay. Ilan sa mga akdang napa-wow ako ang Birhen dahil sa matapang nitong babaing tauhan na mas sinunod ang dikta isipan kaysa sa kanyang damdamin para sa lalaking kanyang minahal kahit na sa sandaling panahon lang. Hindi rin matatawaran ang eksperimentasyon ng Silent Movie na sinulat sa magkasalit na English at Filipino na inilahad naman mula sa magkaibang punto-de-bista ng dalawang pangunahing tauhan ng kuwento.

Mula sa pamagat, gulugod ng aklat, at sa mga sanasay na nilalaman nito, pangunahing tampok ng It’s Raining Mens ang mga lalaking nagkaroon ng malaking bahagi sa buhay ng may-akda mula sa kanyang ama, semen donor, boyfriend, anak, hanggang sa lalaking nagdala sa kanya sa dambana. Ang mga kalalakihan ding ito ang siyang ang nagbigay ng iba’t ibang kahulugan sa kanyang buhay upang ipadama ang tamis, pait, salimuot, kalungkutan, kakulangan, at saya. Na sa tikatik at laksa ng pagdating, pag-alis, at pananatili ng mga kalalakihang ito ay siya namang lalong magpapaibayo at huhubog sa karanasan ni Bebang bilang anak, kapatid, ina, manunulat, asawa, at higit sa lahat bilang babae. Oo’t maaaring sa lagi’t lagi niyang  pagsuong ay maulan, ngunit sa pagkakataong ito’y may payong na siyang tangan at ang mahalaga’y mayroon na siyang katuwang na aalalay sa kanyang daraanan.

 

_________________________
Detayle ng Aklat:
Nilathala ng Anvil Publishing
(Paperback, Unang Limbag 2014)
222 Pahina
Binasa Noong: Nobyembre 19-23, 2015
Rating:
Four Skulls Rating

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s