Tabi Po: Isyu 1 ni Mervin Malonzo

Tabi Po 1 - Book Cover

Unang Sagpang

(Book Review ng Tabi Po: Isyu 1 ni Mervin Malonzo)

Mula sa saling-bibig, mitlohiya, at maging sa popular na media, gaya ng telebisyon, radyo, pelikula, at komiks, palasak na larawan ang aswang bilang tagapaghasik ng lagim dala ng hindi masawata nitong kagutuman sa dugo at laman ng tao’t hayop. Sa grapikong nobela ni Mervin Malonzo ay kakaibang imahe ng aswang ang kanyang ipinakikita sa mambabasa; oo nga’t narito pa rin ang karaniwan nitong katangiang walang habas na pagkahayok sa dugo at laman, ngunit sa unang isyu ng komiks na ito’y minamapa ang pinagmulan maging ang isipan ng isang kinatatakutang nilalang ng dilim.

Unang kong nalaman ang tungkol sa Tabi Po mula sa blog ni Budjette Tan, may-akda ng Trese, nang isa pa itong papasikat pa lang na web komiks. Sa uri ng madugong dibuho pa lang nito’y nakita ko nang may kakaibang inihahain si Mervin Malonzo sa mga mambabasa ng Pinoy komiks dahil iba ang atake at tinatahak na istorya nito mula sa mga kauring babasahin. Linggo-linggo kong inaabangan ang pag-upload ni Mervin ng bagong isyu, at naging saksi rin ako sa paglulunsad ng logo nito at maging ng ilang ginawang pagbabago para sa website. Masasabi ko rin na isa ako sa kanyang mga masugid na mambabasa na nangungulit sa kanya na sana’y mailathala ang Tabi Po at kung maaari pa nga’y ilabas ito nang “in full color”.

Pangunahing inilalahad sa Tabi Po ang buhay ni Elias. Sa unang isyu ay tampok ang kanyang simulang pag-iral sa mundo nang bigla siya lumabas o masasabing isinilang mula sa isang puno sa kasukalan ng gubat. Sa simula’y walang alaala si Elias kung sino siya. Ang tanging kanyang natatandaan ay ang imahe ng isang babae mula sa kanyang panaginip. Matapos nito’y masasaksihan natin ang ikalawang bahagi ng kanyang pagsilang bilang aswang mula sa kanyang unang pagpatay dala ng matinding kagutuman sa dugo’t laman hanggang sa makilala ang dalawa sa kanyang mga kauri, sina Tasyo at Sabel.

Lunduyan ng Tabi Po ang masining na pagkakadibuho ni Malonzo, at di malayong maihahambing na waring ipininta ang bawat panel ng komiks; may angking daloy at sining ang pagkakawarat ng mga laman, ang pagwakwak ng mga leeg, ang tilamsik ng dugo. Ang estilo na rin ng kanyang pagguhit ang masasabing puwersa magigiit sa mambabasa na buklatin pa ang mga pahina upang tunghayan ang buhay nila Elias, Tasyo at Sabel habang kanilang tinatalunton ang magkabilang panig ng pamumuhay kung paanong makikitungo sa mga tao, na siyang pumapapawi ng kanilang gutom, at patuloy pang pagtalos sa kanilang uri bilang aswang.

Tulad na nga ng napuna ng iba, at tahasang pahayag ng may-akda, ang Tabi Po ay may ilang  pag-uugnay (direkta man o palihis) sa dalawang dakilang akda ni Rizal, ang Noli Me Tangere at El FIlibusterismo. Patunay nga rito ang pangalang ginamit sa pangunahing tauhan kasama ng paglalangkap ng mga kilalang karakter mula sa mga nasabing nobela partikular sina Kapitan Tiyago at Padre Damaso. Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang kinaabangan kong tagpo kung kailan magkikita sina Elias at Crisostomo Ibarra, iyan ay kung intensyon nga ba ni Malonzo na magpakita si Ibarra sa mga susunod na isyu. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit ko nagustuhan ang komiks sapagka’t may potensyal itong buhayin ang interes sa Noli at Fili lalo na para sa kasalukuyang henerasyon kasama na sa masinsing pagbabasa ng mga naturang akda.

Batid ko nang matapos ang komiks ay puputaktiin ako ng napakaraming katanungan: sino ang babae sa panaginip ni Elias? Hanggang kailan nila Elias, Tasyo, at Sabel matatago ang lihim ng kanilang kakaibang katangian? Bukod ba sa kanila’y may mga kauri rin sila mula sa iba’t ibang panig ng bansa? Sino si Simon at anong kahalagahan ng kanyang ng mga tala pati na rin ng kanyang kaugnayan sa mga nasabing tauhan, ‘yan ay kung mayroon man? Mga tanong itong patuloy na gigiit sa aking isipan at buong pananabik pang aantabayan ang mga susunod na isyu ng Tabi Po.

 

_________________________
Detayle ng Aklat:
Nilathala ng Visprint
(Trade Paperback, Unang Limbag, Marso 2014)
130 Pahina
Unang Binasa: Nobyembre 19, 2014
Muling Binasa: Nobyembre 19, 2015
Rating:
Four Skulls Rating

2 thoughts on “Tabi Po: Isyu 1 ni Mervin Malonzo

  1. Pingback: Tabi Po: Isyu 2 ni Mervin Malonzo | Dark Chest of Wonders

  2. Pingback: Panayam with Mervin Malonzo | Dark Chest of Wonders

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s