Tabi Po: Isyu 2 ni Mervin Malonzo

Tabi Po 2 - Cover

Narito na Ang Halimaw

(Book Review ng Tabi Po: Isyu 2 ni Mervin Malonzo)

Kung ang unang isyu ay pasilip lamang, ang ikalawang isyu ng Tabi Po ay isa nang pagsangkot nang buong-buo sa papalawak na mundong iniinugan ng mga tauhan at sa pagkakaugnay ng kanilang mga buhay sa panahong lipos ng ligalig at pagkalugami.

Magsisimula ang ikalawang yugto ng Tabi Po sa kuwento ni Salome at kung paano siya makatatakas mula sa galamay ng mga taong yumurak at pinagsamantalahan siya. Kung iisipin, sumesentro ang ikalawang isyu sa buhay ni Salome at ng magiging niyang malalim na relasyon kay Elias, na tinawag ng una na kanyang “anghel ng kamatayan”. Yamang namalas na rin mula sa naunang isyu ang koneksyon nito sa mga dakilang nobela ni Jose Rizal, nakamamanghang isipin na ang Tabi Po ay waring pagpapatuloy ng naudlot na kuwento nina Elias at Salome (na mula sa Noli Me Tangere) na ninais dugtungan ni Malonzo sa pamamagitan ng alternative fiction.

Bukod pa sa naunang nabanggit, isa-isa nang nagsisilabasan sa dakong ito ng kuwento ang mga kilala na nating mga tauhan  gaya nila Isagani, Quiroga, Padre Salvi, at ang tulisang si Matanglawin. Ngunit masasabibing kilala lang natin ang mga ito sa pangalan, dahil tinatahak na ni Malonzo ang bersyon niya ng Noli at Fili sangkot ang buhay ng mga “butihing aswang”.

Sa tematikong pagmamalas, tigib ang ikalawang yugto ng kaisipan at damdamin ng paghihimagsik; ang paghihimagsik ni Salome di lamang sa mga taong nagsamantala sa kanyang kahinaan ngunit pati na rin ang kanyang kasarian; ang paghihimagsik ni Elias sa paraan ng kanilang patagong pamumuhay mapanatili lamang ang lihim ng kanilang uri; ang paghihimagsik ng mga mamamayan gaya nina Isagani at Matanglawin na hindi matiis pa ang paghihirap na kanilang dinaranas sa ilalim ng mapaniil na pamumuno ng mga Kastila. Ang buong komiks din ay isang uri ng paghihimagasik at paggitaw mula sa kombesyon kung paano nga ba natin tinitingnan ang kahubdan at walang habas na kaharasan sa mga ganitong uri ng babasahin. Paghihimagsik ding maituturing ang pagtahak ni Malonzo na bigyan ng bagong perspektibo ang mga tauhang ito labas sa inilatag ng nauna nitong may-akda.

Tulad na nga ng inaasahan ko, bitin ang huling tagpo. Ngunit ano pa nga ba ang aasahan ko? Waring sa siklab ng apoy sa dilim ay naghuhudyat na ito ng mga kapana-panabik na mga pangyayari lalo na ngayong marami na ang nakataya: buhay, lihim, at kinabukasan ng San Diego. Sana malagpasan pa ni Malonzo ang mga ipinakita niya rito. At gaya ng laging dalit, huwag niyo po kaming iadya sa masama. Amen.

 

_________________________
Detayle ng Aklat:
Nilathala ng Visprint
(Trade Paperback, Unang Limbag, Nobyembre 2014)
148 Pahina
Unang Binasa: Nobyembre 20, 2014
Muling Binasa: Nobyembre 20, 2015
Rating:
Five Skulls Rating

One thought on “Tabi Po: Isyu 2 ni Mervin Malonzo

  1. Pingback: Panayam with Mervin Malonzo | Dark Chest of Wonders

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s