Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ni Bob Ong

Nakaka…

(Suring-aklat ng Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ni Bob Ong)

(Author’s Note:  Pardon my self-indulgence Gentle Readers, but  it seems appropriate to write and articulate my opinion on this book in Filipino, my native language, in which this book is also written.)

Sa maniwala ka o hindi, halos isang dekada nang nagsusulat si Bob Ong — peksman, walang biro, sige bilangin mo pa.

Sa loob ng maikiling panahon na ito masasabing bahagi na siya ng kulturang Pilipino — patunay dito ang naglipanang Facebook pages at applications (na walang pahintulot mula sa awtor) na nagbibigay payo at quotable quotes sa mga problemang hinahanarap ng karaniwang Pilipino — mula pag-ibig hanggang suliraning pangpinansiyal — at syempre ‘di mawawala ang cult following (ang loyal fans) ng loko. Sa panahong ito sino nga bang hindi nakakakilala kay Bob Ong?

Tanggapin man o hindi ng mga nagdudunongdunungang kritiko, bahagi na rin siya ng Literaturang Pilipino.Walang sinumang manunulat na nabubuhay sa ngayon (sa pagkakaalam ko) ang buong pagmamayabang na masasabing muli niyang naibalik ang kawilihan at kasiyahang dulot ng pagbabasa sa  kabataang Pilipino kung hindi siya lamang. Maituturing ngang isang phenonema ang pangyayari ito sapagkat hindi isang kilala at pinagpipitaganang manunulat ang nakagawa nito kundi isang indibidwal na parang hinatak lang mula sa kanto ng Tondo. Kapag may libro ka ni Bob Ong panigurado, halos kalahati ng classmates mo hihiramin ‘to (at gula-gulanit na kapag isinauli! Ampota!), ipuspulit ng kapatid mo mabasa lang kahit sinabi mo nang “mature” ang content at labag man sa kalooban mo’y pilit sa ‘yong hihiramin ng nanay o tatay mong biglaang nagka-trip basahin ang libro niya sa takot na hindi ka bigyan ng baon (OA mang pakinggan lahat po ng iyan ay nangayri sa ‘kin). At ito ang isang katotohanang hindi maitatanggi sa mga nakabasa na ng kanyang mha libro: nakakadik lang talaga.

Naging saksi ang nagdaang sampung taon kung paano niya tayo pinaiyak (slight lang naman), kinurot ang ating mga puso, pinahanga ng mga simple ngunit mabibisa niyang pilosopiya ukol sa buhay, pinakilig, pinahanga, napatae (ang mga bollpen), napagunita sa ilang pangyayari sa ating buhay na kakatwa man ay nararanasan din pala ng iba, at napahalakhak… ng MALAKAS — mag-isa mo mang binabasa ang kanyang libro o kasama ang mga kaibigan. Pero higit sa lahat, mas tumatak sa akin kung paano niya binubuhay ang damdaming makabayan, paano niya ipinakita ang magkabilang mukha, ang pangit at maganda, ng mga bagay na pinupuna sa ating bansa. Tulad ng nakagawian na ni Kuya Boy Abunda, iniharap ka niya sa salamin at ipinakita kung nasaan ka, saan ka pupunta, at buong katotohanang ipinakitang ito ka — bahagi ng kabuuan.

Isa sa mga lubos kong hinahagaan kay Bob Ong bilang manunulat ay hindi niya hinayaang ikahon siya ng kanyang publisher at mga mambabasa. Marahil marami ang nagulat nang itinuon niya ang panulat sa fiction nang inilathala ang Alamat ng Gubat, na sinundan ng Macarthur at sinudan pa ng Kapitan Sino. Hati ang opinyon ng ilan sa ukol dito, pero masasabi kong may potensyal ang kanyang mga istorya at nagustuhan ko ang huli.

Bahagi  pa rin ng trip proyektong ito ang kanyang bagong libro, Ang mga Kaibigan ni Mama Susan, ang kauna-unahang libro kanyang isinulat sa horror tungkol sa estudyanteng si Gilberto “Galo” P. Manasala. Inilahad ito sa kanyang punto de bista sa pamamagitan ng kanyang journal o talaarawan.

Ang unang bahagi ay tungkol sa buhay ni Galo, isang tipikal na probinsiyanong ulila na lumuwas sa Maynila para mag-aral at naninirhan sa piling ng kanyang mga tiyo at tiya kasama ang mga nakakaasar na anak nito. Sinulat niyang ang journal (ipalagay na nating ang librong hawak mo) bilang project na ipapasa sa kanilang subject na Phil Lit na ng kinalaonan ay nakagawian niyang sulatan araw-araw. Tulad ni Galo ramdam na randam mo sa umpisa pa lang ang pagkainip at katamaran, kaya feeling mo dragging ang istorya pagkatapos pa lang ng dalawampung pahina.

Dito ngayon unang papasok ang unang atake ng horror ni Bob Ong: kinakatakot mo bilang matagal nang nagbabasa ng mga libro ni idol na baka ito, sa lahat ng kanyang naisulat na, ang pinakanakakadismaya. Dahil dito pipilitin mong basahin ang nalalabing pahina hanggang matapos mo, pasinungalingan mo lang ito.

Ang ikalawang bahagi ay naglalahad naman ng mga naging karanasan ni Galo nang umuwi siya ng Tarmanes upang alaagaan ang kanyang lola, si Mama Susan, na naratay dahil sa malubhang karamdaman. Sa bahaging ito pumasok na ang tunay na horror, at babalutin ka ng misteryo. Kung ano man ‘yon di ko na babanggitin. Secret. Basahin mo na lang. Bleh! 😛

Kung tatanungin mo ako, maganda ba o pangit Ang mga Kaibigan ni Mama Susan? Ang isasagot ko: alam ni Bob Ong kung paano niya gagamitin, lalaruin ang kanyang materyal. Sa mga sandaling ito tantiya ko marami nang nakabasa nito at sa tingin ko nakatatak na sa utak ng marami ang nakakagulat na katupusan nito. Ito nga ata halos ang pinag-uusapan sa lahat ng mga komentong nabasa ko sa ilang blogs at reviews. Hindi mo naman kasi masisi na horror book ito at ang isa sa mga trabahong dapat gawin ng mga libro sa genre na ito, ang sukatan kung naging mabisa nga ito, ay… well… manakot. Pero isa ito sa mga kinatatakot ko para sa librong ito, na ito ay maaalala lamang sa kakaiba nitong ending.

Tahasan kong sasabihing hindi ako nagandahan sa plot. Kung susubukan lang nating tignan ang akda sa kabuuan nito, bakit di mo tanugin ang sarili mo: ano nga bang nais iparating ni Bob Ong, ano nga bang mensahe niya? Gets ko na naman ang ilan sa mga argumento ni Mama Susan, pero sa tingin ko hindi siya kapani-paniwalang karakter para sabihin  o pagmulan ng mga ito. Kung sakaling naglalakad ka at salubungin ng isang tao, baliw man o sa unang tingin ay miyembro ng isang kulto, at sambitin ang mga naunang nang nabanggit ni Mama Susan sa akdang ito, maniniwala ka ba agad? Sabihin na nga natin na oo, ito nga ang nais ipabatid ni Bob Ong disin sana’y nanood na lang sana ako ng An Inconvinient Truth. Panigurado, mas tatayuan pa ako ng balahibo kung sakali mang pinanood ko ‘yon.

_________________________
Book Details:
Published by Visprint Inc.
(Mass Market Paperback, First Printed in November 2010)
127 pages
Read in: December 2010
My Rating:

5 thoughts on “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ni Bob Ong

  1. Pingback: Tweets that mention Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ni Bob Ong | Dark Chest of Wonders -- Topsy.com

  2. Pingback: Know Your Nominees: Novel in Filipino « Filipino ReaderCon 2012

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.