Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat

Ulan. Panitik. Pagmamahal.

(Suring-Aklat ng Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat)

Noon bata naaalala ko ang sayang nadarama kapag pinapayagan ni Ina na pwede akong maglaro’t magtampisaw tuwing umuulan. Ano nga bang hiwaga mayroon ang mga patak ng tubig galing sa kalangitan at nakadaradag sa tuwa’t saya naming magkakaibigan habang naglalaro, naghahabulan sa lansangan?

Ito ang mga bagay na sumagi sa aking isipan habang nakatanaw sa barandilya at naaliw na pinagmamasdan ang pagpatak ng ulan mula sa mga bubungan, waring mga batang naghahabulan. Kaalinsabay nito maririnig ang paglagatak ng bawat patak, waring halakhak ng mga batang nagagalak.

Kay tagal ko na ring hindi nakakaligo sa ulan.

Kasama siguro ng pagtanda ang pagkalimot sa mga bagay na ginagawa noong pang bata.

Ilan ito sa aking hinagap habang binabasa ang Unang Ulan ng Mayo, nobela ni Ellen Sicat, tungkol kay Gloria, balo ni Carlos, isang manunulat at propesor sa U. P. Diliman, ang kanyang pumanaw na asawa. Inilalahad nito ang kanyang buhay matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa at ang pagsusumikap niyang isaayos ang ilan sa mga naiwan nitong akada; ang pag-aalaga sa mga anak at apo kasama ng kanyang resposinbilidad bilang ilaw ng tahanan at ngayo’y tagapagtaguyod ng kanyang pamilya; ang kanyang pagtatangka sa pagsulat na siyang naging daan upang ibsan ang kanyang pagdadalamhati; at ang unang ulan tuwing darating ang buwan ng Mayo.

Maaaring sa hinuha ng ilan sa mga nakabasa nito ito’y nabibilang sa mga akda ukol sa  pagsusulat. Ngunit higit at bukod dito, ito para sa akin ay isang paglalakbay tungo sa pag-unawa kung ano nga ba at papaano hinubog ang isang manunulat.

Sa mata ni Gloria — at ilang paghahango ni Sicat, sa akin na ring pagtataya, mula sa kanyang sariling karanasan — makikita ang ilan sa mga umiiral na gawi ng pangkasalukuyang panitikan patungkol sa paglalahatala ng akda, ang pagtanggap ng mga mambasa at kritiko dito, pati na rin ang karangalang dala ng mga patimpalak sa pagsusulat na kung minsan ay nakabubuti o dili kaya’y nakapagpapabalam sa interes ng isang manunulat, lalo na kung ito’y baguhan.

Ellen Sicat

Para sa akin hindi matatawaran ang hangarin ni Sicat na magsulat ng mga istorya gamit ang sariling wika, balintuna sa hangad ng mga baguhan at mas nakababatang manunulat sa paggamit ng wikang banyaga. Isa pa rito ay ang kanyang pagpipilit na gumamit ng mga katutubong salita, aniya: “Kung may Filipinong katumbas na salita, akin itong ipagugunita.” Lalong nakakaaliw at nakamamangha ang kanyang pagsasalaysay ng ilang piling pangungusap na nagtutugma at waring may himig patula.

Ayon sa Unang Ulan sa Mayo ang ideya kapag pumasok  sa  isipan ay tulad sa daga: di ka patutulugin sa kaluskos at uukilkilin ang bawat sulok ng iyong utak; may ibang kay daling mabitag at mahuli, habang may ilang nakaaalpas, sadyang kay tuso. Kapara sa pagdatal ng unang ulan na inaasam-asam matapos ang mahabang tag-araw, didiligin nito ang tuyong lupa at kaalinsabay ng tubig aaagos ang mga alaala, dadaloy ang himig ng mga salita patungo sa pagtuklas,  sa hamon ng pagsubok na lalagos sa kaluluwa upang tipunin ang kabuuan.


_________________________
Book Details: Book #19 for 2011
Inilathala ng Anvil Publishing
Unang limbag, 2009 (Paperback)
210 pahina
Binasa noong: Mayo 29 – Hulyo 1, 2011
Rating:

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s