Bulaklak sa City Jail ni Lualhati Bautista

Bulaklak sa City Jail - Book Cover

Bilanggo ng Sariling Piitan

(Book Review ng Bulaklak sa City Jail ni Lualhati Bautista)

Nitong mga nagdaang araw ay muli na namang napabalita ang mga nasamsam na mga  baril, deadly weapons, gadgets, appliances, at ipinagbabawal na gamot nang muling magsagawa ng Oplan Galugad ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang  Bureau of Corrections (BuCor) sa National Bilibid Prisons. Ikalabingtatlo na ito sa serye ng nasabing operasyon buhat nang sinimulan ito noong nakaraang taon, ngunit magpahanggang ngayon, at siyang tunay na nakagugulat, ay waring hindi maubos-ubos ang mga nakukumpiskang ipinagbabawal na bagay at kagamitan sa loob ng naturang kulungan. Ngunit higit na nakangingitngit dito’y ang malamang sa halip na pinagdurusahan ng mga bilanggo—lalo na iyong masasabing high profile prisoners na may mabibigat na pagkakasala—ay mistulang buhay bakasyonista’t prenteng-prente pa ang mga preso.

Hindi na iba sa atin ang usapin ng anomalya at irregularidad sa pamamalakad ng mga piitan sa bansa. Bagkus, sa pagdaan ng mga taon ay nagiging ito na yata ang kalakaran at ipinagwawalang-bahala’t mistulang tinatanggap na lang natin itong ordinaryong regulasyon. Ang nakasasama rito’y kanser na itong nangangailangan ng napakalaki at pursigidong political will upang mabigyang solusyon ng gobyerno.

Bunsod ng mga nabanggit na mga pangyayari kaya’t masasabi pa ring tunay na makapangyarihan at makabuluhan ang akda ni Lualhati Bautista na Bulaklak sa City Jail na unang isinerye sa masaging Liwayway, isinapelikula sa direksyon ni Mario O’Hara noong 1984, at muling nilathala nitong 2006.

Ang nobela ay tungkol kay Angela Guttierez, isang waitress sa isang beer garden, nang siya’y makulong sa city jail sa salang nabigong pagpatay nang kanyang masugatan ang may-bahay ng kanyang kalaguyo. Sentrong paksa sa kuwento ang katiwaliang nagaganap sa loob ng kulungan (ng mga panahong iyon), mali at minamadaling paghawak sa kaso ng mga bilanggo, at ang mabagal na sistema ng hukuman.

Signed Copy of Bulaklak sa City Jail

Ang kopya ko ng nobela na pirmado ni Lualhati Bautista.

Bukod sa paglalantad ng mga nakaririmarin ng kalagayan sa loob ng piitan, gaya ng kakulangan ng espasyo, kapabayaan at salaulang kondisyon ng pasilidad, kasama ng nagaganap na pang-aabusong pisikal at sekswal sa mga bilanggo (mga suliraning masasabing umiiral pa rin magpasahanggang ngayon), mas naging matapang pa ang akdang ito ni Bautista dahil binibigyan nitong pansin ang abang kalagayan ng mga babaing preso. Isa rito ay ang katanungang legal kung maaari nga bang maalagaan ng bilanggo ang kanyang anak habang nakakulong, at kung di mapapayaga’y, mabibigay pa ba sa kanya ang kustodiya sa anak kung mapupunta naman ito sa ampuman o aalagan ng isa sa mga institusyon ng gobyerno (sakaling walang kamag-anak o guardian na pansamantalang mag-aalaga sa anak ng bilanggo).

Mabibigat ang bugso ng emosyong inihahatid ng Bulaklak sa City Jail. Galit ang damdaming namamayani sa akin habang binabasa ang nobela. Galit sa bulok na sistema. Galit sa kung paano niyuyurakan at hinuhubdan ng dignidad ang isang bilanggo sa nakalulugaming kalagayan ng piitan. Galit dahil naaatim nating mawalay ang anak sa piling ng ina kahit pa sabihing ang huli’y nagkasala sa mata ng batas; sapagkat hindi matatatwang ang ina ay ina pa rin saang anggulo man ito limiin kahit pa ng iginagalang na Ginang ng Katarungan.

Patunay ang mga akdang gaya ng nobela ni Bautista upang salangin ang ating sensibilidad at buksan ang ating mga mata sa mga isyu sa lipunan na mula nang mahantad ay nabigyan na sana natin ng lunas sa simula’t simula pa. Ngunit kahit sabihin mang mayroon pa ring mga tao sa hanay ng pamahaalan na nais bigyang solusyon o tuldukan ang mga suliraning ito’y patuloy pa ring nababalam ang kanilang mabuting hangad. Kaya’t ngayon, kung ating titingan ang kabuuang senaryo, mukha pa nga yatang mas nasadlak pa tayo sa kumunoy na patuloy na lumalamon sa atin. Ang tanong ngayo’y ito: may pag-asa pa ba tayong makaahon mula rito? Sana’y huwag tayong humantong sa tagpong tayo na mismo’y hindi na makaaalpas pa sa piitang kinasadlakan at iniumang natin sa ating mga sarili.

 

_________________________
Detalye ng Aklat:
Nilathala ng C & E Publishing
(Paperback, Unang Limbag, 2006)
307 Pahina
Binasa: Enero 13 – 46, 2016
Rating:
Four Skulls Rating

Feel free to post any of your thoughts, comments, and reactions.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s